Saturday, August 30, 2008

Filipino are really worth dying for?

Ayon sa ating bayaning si Benigno "ninoy" Aquino, "filipino are worth dying for.." matapos ang ika-25 taon ng kanyang sakripisyo upang maibalik ang demokrasya at kasarinlan nating mga pilipino, ano na nga ba meron tayo ngayon? Ano ba ang nagbago? kilala pa ba ng kabataan gaya ko si Ninoy Aquino?
Bagaman hindi ko naranasan ang lupit ng diktadura ni Marcos sa panahon ng Batas Militar dahil sa aking kamusmusan, ako naman po ay 3 taong gulang ng mapanood ko ang balita tungkol sa Bayaning si Ninoy.. tandang tanda ko nuon ako ay nasa poder ng aking mga lolo at lola, naluluha nilang pinapanood ang tungkol sa balita,. "Wala na si Ninoy!" sambit ng aking lola. Bagaman hindi ko lubos na nauunawaan ang bigat ng pagkamatay ni Ninoy nuon, pero batid kong labis na hinagpis ng aking mga lolo at lola maging nang aking mga magulang sa pagkamatay ni Ninoy. Ilang araw ang lumipas walang patid ang balita tungkol sa haka haka kung sino ang utak sa pagkamatay ni Ninoy. Nuong mga panahon na iyon, malakas ang ugong na si Marcos ang may kagagawan ng pagkamatay ni Ninoy.
Dumating ang araw ng pahahatid sa huling hantungan ng bayaning si Ninoy, bumuhos ang tao sa EDSA, tahimik kong pinapanuod sa telibisyon ang mga kaganapan at tinatanong ko ang aking sarili, Ano ba ang nangyayari? Basta alam ko na kapag pumatay ka ng isang tao, Masama! Pero ang hindi ko maunawaan ay kung bakit ganun na lang ang pagmamahal ng mga Plipino kay Ninoy. Hangang sa Nag-Pipol power na! Nag-SnapElection, May nag-walk out, nandaya si Marcos, Nanaig si Cory. At natatandaan ko ang sambit ng aking mahal na Lolo, “Apo, tandaan mo to’ NANALO si CORY dahil sa People Power.” Taas nuong sinambit ng aking lolo yun na may ngiti sa kanyang mga labi at mailawalas na mukha.
Nagdaan ang ilang taon, ang dami ng nangyari. Ilang pangulo pa ang umupo matapos ni Cory, Ramos, Estrada at kasalukuyang pangulo si GLORIA. 25 na taon ang lumipas mula ng mamatay si Ninoy. Ano ng bang demokrasya meron tayo? Asan na nga ba ang Pilipinas ngayon sa Mapa ng Mundo? Ano na nga ba ang pagtingin sa atin ngayon ng banyagang mamahayag matapos tayong hangaan sa lakas na pinakita natin bilang mga mamamayan ng ating wakasan ang diktadura ni Marcos?
25 taong ang lumipas, 27 na po ako ngayon! Wala na rin po ang aking Lolo. Kasalakuyan po akong nagtratrabaho sa ibayong dagat upang may ma-itustos sa aking pamilya na nasa pilipinas, magulang at kapatid sa kanilang pangangailangan pinansyal. Kung si Ninoy ang Bayani nuon, Ang gaya ko naman ang tinuturing na bayani sa panahon ngayon. Ano nga ba ang tunay na kahalugan ng pagkamatay ni Ninoy? Bukod sa demokrasya na tinatamasa ng mga bagong kabataan ngayon, Minulat ako ni Ninoy bilang tao sa realidad ng Dumi ng pulitika at bulok na sistema sa Gobyerno. Tinuruan ako ni Ninoy na manindigan sa alam kong TAMA! Wala akong nakitang malaking pagbabago pagdating sa sistema ng gobyerno. Ang daing ng aking pumanaw na Lolo ay sya din daing ko ngayon sa Gobyerno meron tayo. Marami sa mga Pilipino ngayon ang halos wala ng pakia-alam sa isyu pang-pulitikal at halos mawalan na ng pag-asa sa Bayan ni Juan. Dahil marami sa mga pilipino ang iniisip ang kakainin sa hapag kasya sa makisawsaw sa mga isyu na kinakaharap ng kasalukuyang Gobyerno ni Gloria. At ang higit na nakakalungkot, marami na sa mga kabataan ngayon ang kilala lamang si Ninoy bilang larawan sa ating salapi na nagkakahalaga ng Limang Daang Piso.
Sa mga kabataang gaya ko, wag natin bigyan walang saysay ang pagkamatay ni Ninoy at iba pang mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa demokrasyang tinatamasa natin ngayon. Sila nga na may pagsupil at binubusalan ang mga bibig para sa malayang pamamahayg, tayo pa ngayon na may demokrasya at kayang ipahatid ang ating saloobin ng Malayang malay at walang baril na nakatutok sa ating mga sentido? Wag sana tayong magsawalang-kibo na lamang sa mga isyung direkta tayong apektadong mga mamayan. Tandaan po sana natin na Ibinuwis ni Ninoy ang buhay nya dahil naniniwala syang karadapat-dapat tayong pag-alayan ng buhay upang maging Malaya bilang mamamayan, at bilang isang Pilipino! Si Ninoy ay nasa puso ng bawat Pilipino, mamuhay sana sa bawat isa sa atin ang tunay na kahalugan sa pagkamatay ng Bayaning si Ninoy. Imbes na mamatay ang apoy sa ating mga puso ay lalo pa nating pag-alabin! Wag tayong magsawalang bahala. Bilang mamayan sa Bayan ni Juan matuto sana tayong manindigan hindi para sa ating mga sarili kundi para sa kapakanan ng susunod na henerasyon. Tulad ko utang ko kay Ninoy ang tapang na mayroon ako para manindigan bilang isang Pilipino at para sa kapwa Pilipino. Maraming paraan na pakikibaka. Mahiya naman tayo kay Ninoy!..

Thursday, August 28, 2008

For me: "The True Meaning of Love.."

Sabi nila pagnagmahal ka, wag kang maghahangad ng kahit anumang kapalit,. Ngunit paano mo mararamdaman ang halaga mo bilang isang tao kung hindi binabalik ang pagmamahal na inaalay mo ? Alin nga ba ang mas tama, ang magbago ka dahil sa pagibig… o hayan mo ang pag-ibig ang magbago sayo..?
Minsan, iba ang personalidad natin pag kaharap natin taong ating minamahal, at hindi mo namamalayan na mas gusto mo yung “ikaw” pagkasama ang taong nagpapasaya sayo,. kaysa sa taong nakapligid sayo. Bakit minsan natatakot tayong magmahal..? Dahil ang rason natin ay natatakot tayo masaktan?.. Hindi ba natin alam na hindi natin malalaman na nagmamahal tayo kundi natin hahayaang ang sarili na maskatan?.. Hindi natin pwedeng ikahon ang puso., Dapat marunong tayong lumaban at sumubok. Dahil hangga’t hindi natin sinsubukan magmahal, hindi natin masasabi na NAGMAHAL tayo. Hangga’t hindi natin binubuksan ang sarili natin para mahalin, hindi natin mararanasan kung paano MAHALIN ng IBA.
Bakit ba natin kailangang magtiwala ng buong–buo sa isang taong ni hindi man lang natin kaano-ano? Bakit kailangan nating ibigay ang sarili natin at ipagkatiwala ng buong-buo sa taong ngayon lang natin nakilala? Minsan may taong hindi natin maiwasan na maging espesyal para sa atin pero kinukubli lang natin ang katotohanan para iwasan masaktan. Aminin natin, minsan ginagawa natin ito, pero ayaw nating aminin sa sarili natin na nagmamahal tayo. Ang dahilan,. kase takot tayo masaktan! Walang utang na loob ang mundo satin para protektahan tayo para hindi masaktan. Bakit ba hindi nalang natin hayaan ang sarili natin na maging punching bag ng mundong ating ginagalawan, At tanggapin ang katotohan na hindi tayo protektado para hindi masaktan. Sa isang banda, minsan tayo din ang nagiging kamao ng mundo para maksakit ng ibang tao nang hindi natin sinasadya.
Hayaan na lang natin bukas ang sarili natin para makapasok ang taong nais na sa atin ay magmahal. Kung mayroon man tayong masamang karanasan sa pag-ibig sa nakaraan, wag sana nating haayaan ng pigilan tayo nito upang umibig muli. Bagkus, hayaan nating maging sandata ang ating nakaraan para maging panangga sa pwedeng mangyari sa hinaharap.
Sa huli, walang perpektong pagmamahal,. May kulang… minsan may sobra… Pero ang mahalaga, NAGMAHAL TAYO! At hinyaan natin MAHALIN din Tayo! Walang naman talagang tamang panahon, tamang pagkakataon, o tamang “IKAW” para magmahal. Ang paghahanap ng tunay pagmamahal ay tulad din ng paghahanap natin sa tunay nating mga sarili. Hinahanap natin ang tunay at wagas na pagmamahal para maibahagi natin sa taong ito ang totoong “IKAW”.
Salamat sa mga taong nanakit at nagmahal sakin. Kundi dahil sainyo wala ako ngayon dito. Patuloy na iikot ang aking mundo at magpapatuloy sa hamon at laban ng buhay. Hindi ako magsasawang sumubok at magmahal ng paulit-ulit. Dahil naniniwala ako, bagaman walang perpektong pagmamahal, may puso naman na kayang tumangap ng lahat ng suntok na pwedeng bumalik. May pusong hindi mapapagod magmahal at umaasa na mamahalin din sya. May pusong handang ibahagi ang sarili para maramdaman ng isang tao kung gano sya KAHALAGA...